This Tagalog reflection is prepared by my father, Silvino Sr., who will be one of the speakers for the Seven Last Words program of our Holy Parish Catholic Church. God's mercy and blessing be with us all.
Ika-4 na
Wika
Eloi,
Eloi, Lama Sabachtani!
Diyos ko,
Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
Pagninilay:
Isang matinding panaghoy at pagdaing na nagmumula sa
isang tunay na taong hinubad ang pagka-Diyos, iyan si Hesus na nakapako sa krus
sa bundok ng Golgota na kung tawagin ay lugar ng mga bungo. Ito ay lugar na
kung saan ang mga criminal ay pinaparusahan ng paghatol sa pinakamababang antas
ng pamamaraan ng paghatol sa pagkitil ng buhay o kamatayan.
Mag-iikatlo ng hapon. Madilim ang kapaligiran,
nagsisimula ng kumulog at kumidlat. Pakiwari ba’y nagluluksa rin ang
kapaligiran sa isang malagim na pangyayari sa buhay ni Hesus.
Sa kanyang pagkabayubag sa krus, nararamdaman Niya ang
sakit ng mga sugat na sanhi ng koronang tinik na nakaputong at nakabaon sa Kanyang
ulo na sinasagasaan ng dugo sa kanyang mukha, ang hapdi ng mga daan hampas sa Kanyang
likod na halos mabalatan sa mga natuyong dugo, ang baling buto sa balikat sa
pagkakapasan Niya ng mabigat na krus, at higit sa lahat ay ang pagkakapako ng Kanyang
dalawang kamay at paa.
Nakayukayod siya, nakatingin sa ibaba, wari’y may
hinahanap.
“Nasaan kaya ang mga alagad ko na kasama ko sa 3 taon
kong pangangaral?”
“Nasaan si Pedro na pinagbilinan ko na magtatag ng aking
simbahan? Bakit niya ako pinagkaila ng tatlong beses?”
“Nasaan ang mga bulag na binigyan ko ng paningin, ang mga
pilay na aking pinalakad?”
“Nasaan na ang mga ketongin na aking pinagaling, ang mga
may sanib na pinalayasan ko ng demonyo?”
“Nasaan na ang mga taong aking pinakain, mga makasalanang
aking pinatawad?”
“Nasaan na ang mga taong aking binuhay o pinagaling mula
sa malubhang kapansanan?”
“Nasaan ang mga tao na kailan lang ay nagsisigawan ng
Hosanna, Hosanna?”
Ngunit higit sa lahat ay nararamdaman ni Hesus na parang
pinabayaan na siya ng Kanyang Ama sa langit…Siya na walang ginawa sa lupa
kungdi sundin ang kalooban ng Kanyang Ama.
Sa ganitong kalunos-lunos na sitwasyon at karamdaman,
tumingala Siya sa langit at winika, “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako
pinabayaan?
Pinabayaan nga ba ng Ama ang kanyang bugtong na Anak?
Hindi. Kailanman ay hindi pinabayaan ng Diyos Ama ang kanyang anak. Ang Ama at
ang Anak ay iisa kaya hindi Niya pwedeng pabayaan ang kanyang sarili. Ang Ama
ay sumasa-anak at si Hesus ay sumama-Ama.
Ngunit dapat mangyari at matupad ang lahat ng paghihirap
ni Hesus upang tayo ay maligtas. Labis ang pagmamahal sa atin ng Ama kaya Niya
isinugo si Hesus para tubusin ang ating mga kasalanan.
Sa Juan 13:16-17 isinulat na “Gayon na lamang ang
pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na
Anak, upang ang mga sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kungdi magkaroon
ng buhay na walang hanggan. Sapagkat isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak hindi
upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kungdi upang iligtas ito sa
pamamagitan Niya.”
(pause)
Kapag dumarating ang bagyo, lindol, baha o anumang sakuna
o anumang problema sa ating buhay, tayo ba ay nawawalan ng pag-asa? Marahil sa
panahon ng matinding pagsubok ating nasasambit, “Natutulog ba ang Diyos?”,
“Nasaan ang Diyos na mapagmahal?”, “Bakit ako pa, marami diyan ang mas
makasalanan?”, Bakit si nanay pa na mabait at naglilingkod sa simbahan ang
siyang nagkaroon ng kanser?”. Sa emergeny room ng mga hospital, doon natin
maririnig ang ibat-ibang uri ng daing sa pagtawag sa Diyos mula sa mga taong sa
tingin nila ay pinabayaan na sila ng Diyos.
Sa ating lumang tipan, marami din pagkakataon na ang mga
nagmamahal sa Diyos ay sinubok na naging dahilan ng kanilang pagdududa sa
pagiging tapat ng Diyos sa Kanyang mga pangako. Si Haring David, kung kanino
nagmula ang angkan ni Hesus ay nagwika rin sa isang salmo na “Diyos ko, ako ay
dumaing ngunit hindi ka dumating.” Si Job, sa isang parte ng matinding pagsubok
sa kanyang buhay ay nagsabing, “Kunin mo na Diyos yaring aking buhay.”
Mga kapatid, dapat po natin tandaan na kapag may Biernes
Santo sa ating buhay ay darating din ang Linggo ng Pagkabuhay. Hindi ibibigay
ng Diyos ang isang pagsubok na hindi natin makakayanan. Magtiwala po tayo.
Manalig po tayo. Sumampalataya po tayo na mahal tayo ng Diyos at hindi Niya
tayo pababayaan. Alam niya ang ating pinagdadaan dahil mismong si Hesus ay
dumaan sa sobrang pasakit at paghihirap.
Sa isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer noong
Marso ng nakaraang taon ay nalathala ang isang kuwento ng buhay ng isang
mangingisda na ang pangalan ay Eduardo Zabala. Siya ay taga Samar. Nang
dumating ang bagyong Yolanda isa sa mga matinding napinsala ang kanilang bayan.
Ang pamilya ni Eduardo ay may labing-isang miyembro pero ng humupa ang bagyo at
baha, sampu sa kanyang mga kaanak ang nasawi. Kung tayo kaya ang nasa kalagayan
ni Eduardo, sino ang ating unang iiyakan, ang ating asawa ba? Ating magulang?
Anak? Kapatid? Apo? Marahi sa kaibuturan ng puso ni Eduardo ay naghuhumiyaw sa
pagdaing niya sa Diyos. Subalit tiniis niya ang lahat. Sa halip, naroon pa rin ang
matibay niyang pananalig sa Diyos sa gitna ng matinding trahedya sa kanyang
buhay.
Itinatag ni Eduardo ang isang kooperatiba ng mga
mangingisda sa Guian, Samar. Naging inspirasyon siya ng mga taong halos mawalan
na ng pag-asa. Naibalik niya sa mga mangingisda ang tiwala nila sa sarili at sa
ating Panginoong Diyos. Nabuhay muli ang kanilang hangarin na maglingkod pa sa
kapwa. Marahil ngayon ay binabanggit ni G. Eduardo Zabala sa kanyang
panalangin, “ Diyos ko, Diyos ko, Salamat po at hindi Nyo kami pinabayaan.”
Nasasabi sa Juan 3: 20-21 na “Ang gumagawa ng masama ay
ayaw sa ilaw at hindi lumalapit dito samantalang upang mahayag ang katotohanan
ay lumalapit sa ilaw, sa gayon, nahahayag ang kanyang ginagawang pagsunod sa
Diyos.”
Sabihin po ninyo sa inyong katabi,
”Huwag kang mawalan
ng pag-asa. Mahal ka ng Diyos.”