2015/04/02

Ika-Apat na Huling Salita

This Tagalog reflection is prepared by my father, Silvino Sr., who will be one of the speakers for the Seven Last Words program of our Holy Parish Catholic Church. God's mercy and blessing be with us all.



Ika-4 na Wika

Eloi, Eloi, Lama Sabachtani!
Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?

Pagninilay:

Isang matinding panaghoy at pagdaing na nagmumula sa isang tunay na taong hinubad ang pagka-Diyos, iyan si Hesus na nakapako sa krus sa bundok ng Golgota na kung tawagin ay lugar ng mga bungo. Ito ay lugar na kung saan ang mga criminal ay pinaparusahan ng paghatol sa pinakamababang antas ng pamamaraan ng paghatol sa pagkitil ng buhay o kamatayan.

Mag-iikatlo ng hapon. Madilim ang kapaligiran, nagsisimula ng kumulog at kumidlat. Pakiwari ba’y nagluluksa rin ang kapaligiran sa isang malagim na pangyayari sa buhay ni Hesus.

Sa kanyang pagkabayubag sa krus, nararamdaman Niya ang sakit ng mga sugat na sanhi ng koronang tinik na nakaputong at nakabaon sa Kanyang ulo na sinasagasaan ng dugo sa kanyang mukha, ang hapdi ng mga daan hampas sa Kanyang likod na halos mabalatan sa mga natuyong dugo, ang baling buto sa balikat sa pagkakapasan Niya ng mabigat na krus, at higit sa lahat ay ang pagkakapako ng Kanyang dalawang kamay at paa.

Nakayukayod siya, nakatingin sa ibaba, wari’y may hinahanap.

“Nasaan kaya ang mga alagad ko na kasama ko sa 3 taon kong pangangaral?”
“Nasaan si Pedro na pinagbilinan ko na magtatag ng aking simbahan? Bakit niya ako pinagkaila ng tatlong beses?”
“Nasaan ang mga bulag na binigyan ko ng paningin, ang mga pilay na aking pinalakad?”
“Nasaan na ang mga ketongin na aking pinagaling, ang mga may sanib na pinalayasan ko ng demonyo?”
“Nasaan na ang mga taong aking pinakain, mga makasalanang aking pinatawad?”
“Nasaan na ang mga taong aking binuhay o pinagaling mula sa malubhang kapansanan?”
“Nasaan ang mga tao na kailan lang ay nagsisigawan ng Hosanna, Hosanna?”

Ngunit higit sa lahat ay nararamdaman ni Hesus na parang pinabayaan na siya ng Kanyang Ama sa langit…Siya na walang ginawa sa lupa kungdi sundin ang kalooban ng Kanyang Ama.

Sa ganitong kalunos-lunos na sitwasyon at karamdaman, tumingala Siya sa langit at winika, “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan?

Pinabayaan nga ba ng Ama ang kanyang bugtong na Anak? Hindi. Kailanman ay hindi pinabayaan ng Diyos Ama ang kanyang anak. Ang Ama at ang Anak ay iisa kaya hindi Niya pwedeng pabayaan ang kanyang sarili. Ang Ama ay sumasa-anak at si Hesus ay sumama-Ama.

Ngunit dapat mangyari at matupad ang lahat ng paghihirap ni Hesus upang tayo ay maligtas. Labis ang pagmamahal sa atin ng Ama kaya Niya isinugo si Hesus para tubusin ang ating mga kasalanan.

Sa Juan 13:16-17 isinulat na “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang mga sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kungdi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kungdi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya.”

(pause)

Kapag dumarating ang bagyo, lindol, baha o anumang sakuna o anumang problema sa ating buhay, tayo ba ay nawawalan ng pag-asa? Marahil sa panahon ng matinding pagsubok ating nasasambit, “Natutulog ba ang Diyos?”, “Nasaan ang Diyos na mapagmahal?”, “Bakit ako pa, marami diyan ang mas makasalanan?”, Bakit si nanay pa na mabait at naglilingkod sa simbahan ang siyang nagkaroon ng kanser?”. Sa emergeny room ng mga hospital, doon natin maririnig ang ibat-ibang uri ng daing sa pagtawag sa Diyos mula sa mga taong sa tingin nila ay pinabayaan na sila ng Diyos.

Sa ating lumang tipan, marami din pagkakataon na ang mga nagmamahal sa Diyos ay sinubok na naging dahilan ng kanilang pagdududa sa pagiging tapat ng Diyos sa Kanyang mga pangako. Si Haring David, kung kanino nagmula ang angkan ni Hesus ay nagwika rin sa isang salmo na “Diyos ko, ako ay dumaing ngunit hindi ka dumating.” Si Job, sa isang parte ng matinding pagsubok sa kanyang buhay ay nagsabing, “Kunin mo na Diyos yaring aking buhay.”

Mga kapatid, dapat po natin tandaan na kapag may Biernes Santo sa ating buhay ay darating din ang Linggo ng Pagkabuhay. Hindi ibibigay ng Diyos ang isang pagsubok na hindi natin makakayanan. Magtiwala po tayo. Manalig po tayo. Sumampalataya po tayo na mahal tayo ng Diyos at hindi Niya tayo pababayaan. Alam niya ang ating pinagdadaan dahil mismong si Hesus ay dumaan sa sobrang pasakit at paghihirap. 

Sa isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer noong Marso ng nakaraang taon ay nalathala ang isang kuwento ng buhay ng isang mangingisda na ang pangalan ay Eduardo Zabala. Siya ay taga Samar. Nang dumating ang bagyong Yolanda isa sa mga matinding napinsala ang kanilang bayan. Ang pamilya ni Eduardo ay may labing-isang miyembro pero ng humupa ang bagyo at baha, sampu sa kanyang mga kaanak ang nasawi. Kung tayo kaya ang nasa kalagayan ni Eduardo, sino ang ating unang iiyakan, ang ating asawa ba? Ating magulang? Anak? Kapatid? Apo? Marahi sa kaibuturan ng puso ni Eduardo ay naghuhumiyaw sa pagdaing niya sa Diyos. Subalit tiniis niya ang lahat. Sa halip, naroon pa rin ang matibay niyang pananalig sa Diyos sa gitna ng matinding trahedya sa kanyang buhay.

Itinatag ni Eduardo ang isang kooperatiba ng mga mangingisda sa Guian, Samar. Naging inspirasyon siya ng mga taong halos mawalan na ng pag-asa. Naibalik niya sa mga mangingisda ang tiwala nila sa sarili at sa ating Panginoong Diyos. Nabuhay muli ang kanilang hangarin na maglingkod pa sa kapwa. Marahil ngayon ay binabanggit ni G. Eduardo Zabala sa kanyang panalangin, “ Diyos ko, Diyos ko, Salamat po at hindi Nyo kami pinabayaan.”

Nasasabi sa Juan 3: 20-21 na “Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw at hindi lumalapit dito samantalang upang mahayag ang katotohanan ay lumalapit sa ilaw, sa gayon, nahahayag ang kanyang ginagawang pagsunod sa Diyos.”

Sabihin po ninyo sa inyong katabi,

”Huwag kang mawalan ng pag-asa. Mahal ka ng Diyos.”