2008/11/11

Para Sa Iyo, MAIA...

by Bro. Eric Baroquillo

Nagliwanag yaring buhay ng iyong ama at ina
Sampung kanilang tahana’t tinuturing na pamilya
Nang ika’y sa mundong ito malugod na nagpakita
Lumundag sa katuwaan pati na buong balana!

Tinuring kang munting anghel at sadya nga’ng nararapat
Palagi nga iyong binti kanilang nais masipat
Iyong ngiti ay nagdulot ligayang 'di masusukat
Sa langit ay walang patid lahat ay nagpasalamat!

Habang patuloy lumaki, sigla sa iyo ay namalas
Tunay nga'ng nakawiwili hagikgik mo at bulalas
Kapag ikaw ay naroon, paligid maaliwalas
Kasiyahan na dulot mo, tila ba'ng 'di magwawakas...

Kaya't sadyang kinagulat balitang aming natanggap
Pinahatid ng 'yong ama na ang puso'y naghihirap
Mahapding katotohanan, tila tadhanang masaklap
Ng maaga mo'ng pagbalik sa piling ng alapaap.

Bagama't kadahilanan nito'y mahirap maarok
Lalo pa't pag-aaruga sa iyo ay halos tutok
Batid namin na ang lahat pati mga pagtuturok
Patuloy nagpapatibay at sadya lamang pagsubok

Sa naiwan mo'ng tahanan kami ay nakikiisa
Kasama ang panalangin upang ito ay mabata
Itinuturing 'di iba at tayo'y isang pamilya
Angkin nating kalakasan ay pananampalataya!

Nagpapasalamat kami sa Amang nagbigay sa ‘yo
Bagama’t panandalian pamamalagi mo rito
Amin ding pinahahatid ang aming pagsusumamo
Muli kaming mahandugan ng ilan pa na tulad mo!

Kaya’t aming munting anghel saan ka man naroroon,
Minsan man lang ay sumulyap, iyong pansin ay matuon
Dito sa amin sa lupa patuloy na hinahamon,
Sa iba’t ibang pagsubok, patuloy na umaahon.

Paalam na muna, Maia, manatili ka’ng masaya!
Matatamis mo na ngiti, lagi naming alaala!
Pagdating ng takdang araw, muling magkikita-kita
Kung saan na walang hapis, magpakailanma’y ligaya!